Holdapan sa Bacoor, Cavite lumalala

CAVITE – Nagmistulang inutil at paralitiko ang kapulisan ng Bacoor, Cavite sa sunud-sunod na holdapang nagaganap sa malalaking establisimyento sa kahabaan ng Molino Road, Bacoor, Cavite.

Ang pinakabagong naganap na holdapan kahapon ng umaga sa nabanggit na lugar ay nang pasukin ng tatlong hindi kilalang armadong lalaki ang Digitel Customer Center. Ayon sa mga nakasaksi, dalawang lalaki ang agad na pumasok sa Digitel Customer Center habang ang isa naman ay naghihintay sa labas lulan ng motorsiklong DT Honda na kulay asul at puti.

Nilimas lahat ng alahas, pera at mga cellular phone ng empleyado at customer saka nagsitakas ang mga holdaper.

Hindi naman nakuha ang malaking halaga na nakalagay sa vault dahil naka-time lock pa. Sinabi pa ng isa sa nakasaksi, posibleng may kinalaman ang mga magkakapatid na pulis-Maynila na naninirahan sa Mary Homes Subdivision dahil iisa ang estilo kapag nagsasagawa ng modus operandi.

Samantala, naunang hinoldap ang Royal Star Appliances Mktg. Inc. sa Villa Maria Subd., Molino 3 noong Agosto 6, 2004, subalit hanggang sa kasalukuyan ay walang aksiyon ang kapulisan.

Maging ang kilalang kompanyang LBC courier, Globe Telecommunications, BPI Bank, Metrobank at Mercury Drug Store na matatagpuan sa kahabaan ng Molino 3, Bacoor ay napaulat na naholdap na rin may ilang buwan lamang ang nakalipas.

Kinondena naman ng mga negosyante na nagmamay-ari ng nasabing kompanya ang kawalang aksiyon ng kapulisan sa serye ng holdapan sa naturang lugar. (Ulat ni Mario D. Basco)

Show comments