Halos mapaluha ang utol ni Arnnel na si Apollo Manalo matapos na makita ang mukha ng killer sa photo gallery na nakilalang si Michael Garcia ng Barrio Militar, Fort Magsaysay, Cabanatuan City.
"Siya nga, siguradung-sigurado akong siya ang bumaril sa kuya ko," dagdag pa ni Apollo sa mga imbestigador dahil tatlong metro lamang ang layo mula sa gunman matapos ang pananambang kay Arnnel sa Barangay Manghinao, Bauan, Batangas noong Agosto 5, 2004.
Ayon kay Superintendent Federico Bulanday, Field Officer ng Batangas Criminal Investigation and Detection Team, si Garcia ay tubong Barangay Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija at may nakabinbing kaso ng frustrated homicide at pagnanakaw sa sala ng Regional Trial Court sa Cabanatuan City.
Napag-alaman pa sa pulisya, si Garcia ay bodyguard at pamangkin ng Bauans Association of Barangay Captain President na si Edilberto Mendoza.
Masusing sinisilip ng pulisya kung ano ang koneksyon at motibo sa pagitan ng gunman at ni Mendoza na kilalang maimpluwensya sa Bauan.
Sinabi ni Bulanday na posibleng nairita si Mendoza kay Manalo sa naisulat nitong artikulo sa Dyaryo Veritas.
Si Mendoza ay kasalukuyang nagtatago sa kasong murder at rape na naisampa na sa Batangas City Regional Trial Court noong 2003.
Tatlo pang saksi ang lumutang upang magbigay ng salaysay sa pulisya para madiin si Garcia sa pamamaslang kay Arnnel Manalo.
May teorya naman ang mga kasapi ng Batangas Newswriters Association na ginawang pawn si Manalo ni Mendoza para maibintang sa kalaban ang naganap na krimen.
Pormal naman nagsampa ng kasong murder ang pulisya sa Prosecutors Office sa Batangas City laban kina Mendoza, Garcia at isa pa na mga responsable at utak sa pamamaslang kay Manalo.
Ipinahayag pa ni Bulanday na agad na mareresolba ang naturang kaso kapag nadakip si Garcia sa tulong na rin ng mga saksi.
Siniguro naman ni P/Sr. Supt. Nicasio Radovan, hepe ng Task Force Newsman, ang seguridad ng mga saksi para madiin ang mga suspek. (Ulat ni Arnell Ozaeta)