Mag-asawa niratrat sa kalsada

CAVITE – Pinaniniwalaang may matinding galit ang bumaril sa mag-asawang naghihintay ng masasakyan patungo sa Maynila na ikinasawi ng babae at malubhang nasugatan ang mister nito kamakalawa ng madaling-araw sa Barangay Calubcob, Silang, Cavite.

Apat na tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ni Precilla B. Umali, 38, empleyada ng Medical Center Manila, samantalang kritikal naman ang asawa nitong si Edgardo Umali 42, drayber ng bus at kapwa residente ng naturang lugar.

Ayon sa ulat, naganap ang krimen dakong alas-4 ng madaling-araw matapos na hintuan ng nakamotorsiklong hindi kilalang lalaki ang mag-asawa at isagawa ang pamamaslang.

Napag-alaman na kinuha pa ng killer ang bag ng babae bago tumakas. (Ulat ni Cristina Timbang)

Show comments