Ayon kay New Peoples Army (NPA) Spokesman Gregorio "Ka Roger" Rosal, ang mga bihag na sina Lt. Ronaldo Fidelino at Private First Class Ronel Nemeno ay nakatakda nilang palayain at iturn-over sa mga kinatawan ng pamahalaan na namagitan sa pagpapalaya sa silangang bahagi ng Bicol Region ngayon.
Nabatid pa kay Ka Roger na ang dalawang bihag ay dapat noong isang linggo pa nila pinalaya, subalit pansamantalang ipinagpaliban nang matunugan ng mga rebelde ang presensiya ng militar na kumikilos sa itinakdang lugar.
Ang dalawang Army troopers na nabihag ng NPA nitong nakalipas na Marso 1 sa Tinambac, Camarines Sur ay palalayain sa hindi tinukoy na lugar matapos na sumailalim sa final medical check-up ng kilusan bago tuluyang ipasa naman sa mga kinatawan ng International Red Cross.
"Palalayain sila ngayon gaya ng aming pangako," ani Ka Roger sa isang panayam.
Subalit sinabi ni Rosal, sumang-ayon din ang militar na itigil ang kanilang operasyon kahit pansamantala lamang matapos na mamagitan ang isang di pinangalanang mataas na opisyal ng pamahalaan. (Ulat ni Joy Cantos)