2 pulis, 1 sibilyan patay sa shootout

CAMP SATURNINO DUMLAO, Bayombong, Nueva Vizcaya – Tatlo-katao kabilang ang dalawang kagawad ng pulisya ang kumpirmadong napatay sa magkahiwalay na shootout sa naganap na holdapan kamakalawa ng gabi sa Barangay Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.

Kinilala ni SPO3 Anselmo Dulin, chief intelligence ng Bayombong police office, ang mga nasawing pulis na sangkot sa holdapan na sina: PO1 Reynald Pinkihan ng Cordillera Police Regional Office; PO1 Walter Balajo ng Lawig, Ifugao at nakatalaga sa 1st PMG ng Ifugao Police Provincial Office at isa pang di nakikilalang lalaki na kasama rin sa krimen.

Ayon kay P/Chief Inps. Teodoro Santos Jr., hepe ng Nueva Vizcaya Provincial Mobile Group, dakong alas-9:15 ng gabi noong Lunes nang makatanggap ang kanyang opisina ng tawag kaugnay sa kasalukuyang holdapan sa Fariñas Farm sa Barangay Quezon.

Agad na pinostehan ni Santos at pito pa nitong kasamahan ang posibleng exit ng mga suspek palabas sa bayan ng Bayombong.

Dalawang oras ang nakakalipas habang kalakasan ng ulan nang mamataan ng grupo ni Santos ang tatlong suspek na naglalakad ng naka-paa sa Barangay Casat, Bayombong mula sa Barangay Wacal.

Nagbigay ng warning shot si Santos, subalit sa halip na sumuko ang mga ito ay pinaputukan agad ang mga nag-aabang na pulis hanggang sa mapatay si PO1 Pinkihan at isa pang di nakikilalang kasamahan nito.

Nauna rito, ay unang napatay si PO1 Balajo sa harap ng simbahang sa Solano matapos makipagbarilan sa grupo nina SPO1 Dominador Mondala, SPO1 Jerry Labog, PO3 Romeo Visaya ng Solano PNP at SPO1 Noel Valdez ng 1st PMG.

Hinala ng pulisya, posibleng parak din ang di pa nakikilalang bangkay maging ang dalawang nakatakas na miyembro ng nasabing grupo.

Nabawi ng mga awtoridad ang isang motorsiklo, isang M-16 armalite, 1 cal. 45, 1 cal. 38 mga basyo ng bala, mga magazine ng baril, 3 bullet proof na nakuha sa katawan ng mga nasawing suspek at P40,000.00 na nakuha ng mga suspek mula sa nabiktimang establisimyento. (Ulat ni Victor P. Martin)

Show comments