Ito ang nabatid kahapon kay Major General Raul Relano, Chief ng Armys 6th Infantry Division (ID) base sa pahayag ng kanilang tipster na nagturo mismo sa pinagtataguan ng grupo ni Alonto at ng armado nitong close-in-security escort.
Ayon kay Relano, kinumpirma ng kanilang tipster na nasa loob ng kanyang hideout si Alonto nang mangyari ang bombahan. Sinabi nito na kung pagbabasehan ang video footage na nakunan sa lugar ay malaki nga ang posibilidad na nagkalasug-lasog ang bangkay ni Alonto at imposible nang mabuhay pa ito sa nasabing air strike operations.
Ang bangkay ni Alonto kasama ang may 15 pa nitong tauhan ay agad na inilibing sa Sitio Tatak ilang oras matapos ang bombahan ng MG 520 attack helicopter ng Phil. Air Force (PAF).
Sa kasalukuyan, ayon kay Relano ay patuloy ang kanilang operasyon upang mahukay ang bangkay ni Alonto para patunayan na talagang napatay ito sa inilunsad na air strike operations.
Gayunman, nilinaw ni Relano na sakaling di na makilala ang bangkay ni Alonto ay isasailalim sa forensic examination. (Ulat ni Joy Cantos)