80 aso na kakatayin nailigtas
NAGUILLAN, La Union Aabot sa 80 asong kalsada na pinaniniwalaang ipagbibili at kakarnihin sa mga kainan sa Baguio City ang nailigtas ng mga kagawad ng pulisya makaraang masabat ang van sa bayan ng Aringay, La Union noong madaling-araw ng Martes, Agosto 10, 2004. Ayon kay Chief Inspector Robert Mesa, Naguillan police director, ang mga aso na nilagyan ng busal at pawang nakatali para hindi mag-ingay ay mula pa sa Batangas at tangkang ipagbili sa mga kainan sa naturang lungsod. Napag-alamang ipinagbibili ang mga aso sa halagang P500 hanggang P700 bawat isa. Nadakip naman ang drayber ng van na si Domingo Garcia at pormal na sasampahan ng kaukulang kaso. Dinala naman ang mga aso sa opisina ng Department of Agriculture sa Maynila para pagpasyahan. (Ulat ni Artemio Dumlao)