Sa sampung pahinang desisyon na nilagdaan ni Judge Aurelio G. Icasiano Jr. ng Trece Martirez City Regional Trial Court Branch 23, pinatawan ng hatol na kamatayan noong Agosto 6, 2004 ang akusadong si Caroline A. Santos.
Bukod sa hatol na bitay ay pinagbabayad ang akusado ng P.5-milyon.
Base sa record ng korte, nasakote si Santos sa isinagawang buy-bust operation makaraang maging poseur buyer si SPO2 Geronimo Pastrana sa bahaging sakop ng Barangay Poblacion, Tanza, Cavite.
Agad na iniabot ni Santos ang pakete ng sangkilong shabu kay Pastrana sa loob ng sasakyan kapalit ng P75,000 hanggang sa masakote ang akusado.
Sa alibi ni Santos, sinabi nito na bumibili lamang siya ng pagkain nang kaladkarin siya ng mga awtoridad at frame-up lamang ang pangyayari.
Binalewala naman ni Judge Icasiano Jr. ang alibi ng akusado, bagkus ay nagwikang kasabwat ni Santos ang kanyang asawang si Eddie V. Basa sa pagtutulak ng droga.
Awtomatiko namang isusumite sa Supreme Court ang naging desisyon ni Judge Icasiano para rebisahin. (Ulat ni Mario D. Basco)