Kinilala ang nakaligtas na biktima na si Patterson Ngo na nagtamo ng ilang galos sa katawan bunga ng insidente.
Kasalukuyan naman hindi pa mabatid ang kinasapitan ng dalawang kasama ni Patterson na sina: Jose Ngo at Richard Ngo dahil sa pagtanggi ng pamilya na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang insidente ay ipinagbigay-alam sa pulisya ni Jun Janora, project manager sa Export Processing Zone Authority (EPZA) sa Cavite at residente ng Marcella St., Bagbag 2, Rosario, Cavite.
Ayon salaysay ni Janora, tumawag sa kanya si Patterson hinggil sa naganap na insidente matapos na harangin ang sasakyang Mitsubishi Pajero (XNZ 952) ng mga biktima ng kotse na walang plaka at may kasunod pa na motorsiklo.
Idinagdag pa ni Janora, na pinukpok pa ng baril sa ulo si Patterson ng mga kidnaper dahil sa nagpupumiglas sa loob ng sasakyan.
Pagsapit sa highway na sakop ng Trece Martirez City ay hindi nag-aksaya ng panahon si Patterson at lakas-loob na tumalon at nagtatakbo.
Bagaman pinagbabaril ng mga kidnaper ang tumalong trader ay hindi naman tinamaan at nakatawag agad kay Janora.
Narekober naman ang sasakyan ni Ngo makaraang abandonahin ng mga kidnaper sa bahagi ng University hills, Barangay Sampalok 4, Dasmariñas, Cavite. (Ulat ni Joy Cantos)