Pinagmulta ng korte dahil sa cell phone

Pinagmulta ang isang babae ng mababang korte makaraang tumunog ang hawak na cell phone habang dinidinig ang isinampang kaso ng una noong Biyernes sa Pangasinan.

Inatasang magbayad ng P100 si Florida Nacua ni Judge Emmanuel Carpio ng San Carlos Regional Trial Court matapos na maistorbo ang hukom sa dinidinig na kaso.

Base sa ulat, nagsampa ng reklamo si Nacua sa naturang korte at habang dinidinig ang kaso ay tumunog ang cell phone ng babae kaya pinagsabihan siya ng staff ni Judge Carpio na pansamantalang patayin upang hindi makaabala.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay muling tumunog ang cell phone ni Nacua at sa pagkakataon ito ay pinatawan na ng multa na P500, subalit nagmakaawa hanggang sa bumaba ng P100 at agad naman nagbayad ang babae.

Sinabi ni Carpio na magsisilbing babala sa sinumang nasa loob ng korte na dinidinig ang kaso na pansamantalang i-off ang kanilang cell phone. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments