Bago tambangan at mapatay si Arnnel Manalo kamakalawa ng umaga sa Barangay Manghinao, ay nakapanayam niya si Edilberto Mendoza, presidente ng Association Barangay Captain sa Bauan tungkol sa kinakaharap na kasong murder at ang nalalapit na pagsuko nito.
Ayon sa ulat, si Mendoza na kinasuhang murder noong 2002 ay malapit na kaibigan ni Manalo at ngayon ay nagtatago sa hindi nabatid na lugar at ilang grupo ang tumutugis sa kanya upang patahimikin.
Noong Agosto 1, 2004, ay lumabas sa Dyario Veritas ang isinulat ni Manalo na pumapabor kay Mendoza sa kaso na posibleng nairita ang kalabang kampo, ayon sa pulisya.
Mariin naman kinondena ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa pamamagitan ni Rogelio "Ka Roger" Rosal ang naganap na pagpaslang kay Arnnel Manalo at humihingi ng katarungan sa lahat ng mamamahayag na napatay habang ginagampanan nila ang trabaho.
Inilabas ng pulisya ang larawan ng killer ni Manalo, base sa paglalarawan ng kapatid na si Apollo na tanging nakasaksi sa insidente.
Si Apollo ay kasama ni Manalo habang lulan ng owner-type jeep sa nabanggit na barangay bago pa tambangan at mapatay ng dalawang nakamotorsiklo. (Ulat ni Arnell Ozaeta)