Hindi na umabot pa ng buhay sa Pagamutang Bayan ng Carmona si Mary Grace Valderama, 28, habang napatay naman sa Perpetual Help Hospital sa Biñan, Laguna ang kalaguyong si Mamerto Umali, 38, ng Purok 4, Carmona, Cavite at kasapi ng Bantay-Bayan.
Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si PO2 Roberto Valderama ng Muntinlupa City police station.
Ayon kay P/Senior Inspector Joseph Arguelles, hepe ng pulisya sa Carmona, ang dalawang biktima ay magkatabing natutulog sa bahay ni Umali sa nabanggit na barangay nang pagbabarilin ng suspek dakong alas-12:30 ng madaling-araw.
Sinabi pa ni Arguelles, kasama ni Valderama ang isang barangay tanod nang magtungo sa bahay ng magulang ni Mamerto at hinanap ang kanyang misis.
Hindi pumasok ng bahay si Valderama, bagkus ay umaaligid sa naturang bahay at sumilip sa nakabukas na bintana.
Namataan ng suspek ang kanyang asawa na katabi si Mamerto na natutulog sa kuwarto.
May teorya ang pulisya na nagdilim ang paningin ng suspek kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang pinaniniwalaang magkalaguyo.
Sinabi ni Arguelles na nagpadala na ng surrender feeler si Valderama at anumang araw ay posibleng sumuko sa batas. (Ulat nina Rene Alviar at Cristina Timbang)