Kahero sa gasolinahan tinodas

BULACAN – Binaril sa mukha at namatay ang isang 47-anyos na kahero ng gasolinahan ng isa sa limang armadong hindi kilalang kalalakihan sa naganap na holdapan sa kahabaan ng Cagayan Valley Road na sakop ng Barangay Maasim, San Rafael, Bulacan kamakalawa ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Nicolas Lisandra at namamasukan bilang kahero sa Petron na pag-aari ni Avelino Violago ng Barangay San Jose, Baliuag, Bulacan. Sa inisyal na pagsisiyasat, bandang alas-2:40 ng madaling-araw nang nagkunwaring magpapagasolina ang mga suspek sakay ng owner-type jeep, subalit nagdeklara ng holdap. May teorya ang pulisya na nanlaban ang biktima kaya pinatahimik at tinangay ang halagang P15,000 bago tumakas. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments