Kinilala ang mga nasawi na sina Roberta Abrilla, 43; mga anak na sina Rupert, 17 at Maria Loramae, 19 taong gulang.
Ang mga biktima ay halos di na makilala sanhi ng grabeng pagkasunog ng kanilang mga katawan.
Nagtamo naman ng 3rd degree burn ang padre de pamilya na si SPO2 Petronillo Abrilla Jr., matapos tangkaing iligtas ang kanyang mag-iina.
Base sa ulat na tinanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr., pasado alas-3:45 ng madaling-araw habang mahimbing na natutulog ang pamilya sa kanilang bahay sa tabi ng Narciso Ramos Highway, Poblacion 1, Parang, Maguindanao nang mangyari ang sunog.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat, nag-overheat ang electric fan ng pamilya na siyang pinagmulan ng sunog na kumitil sa buhay ng mga biktima at dahil yari sa mahinang klase ng materyal ang tahanan ng mga ito ay mabilis na kumalat ang apoy.
Ayon sa mga awtoridad electric short circuit ang sanhi ng sunog na tumagal lamang ng wala pang 30-minuto, samantalang tinataya namang aabot sa P2 milyon ang naging pinsala sa ari-arian ng pamilya.(Ulat ni Joy Cantos)