British Royal Navy dumaong sa Subic Bay

SUBIC BAY FREEPORT – Dumating kahapon ng umaga ang barkong pandigma ng British Royal Navy ng United Kingdom (UK) para sa apat na araw na pagbisita.

Bandang alas-10 ng umaga ng dumaong sa Alava Pier sa dating Ship Repair Facility (SRF) ang barkong HMS Exeter (D89), isang Type 42 Destroyer at FRA Grey Rover, isang Replenishment Ship, may lulang 316 kawal sa pamumuno ni Commanding Officer Admiral Andrew Reed.

Personal naman sinalubong ang pagdating ng kanilang British Counterpart ni Navy Capt. Ernesto Bonifacio, OIC ng Northern Luzon Naval Force ng Philippine Navy.

Sa isang maikling press conference, sinabi ni Admiral Reed na ang kanilang pagbisita sa bansa ay kabilang sa goodwill visit at global deployment, gayundin ang gaganaping war exercises at naval tactics sa pagitan ng kanilang Philippine Navy counterpart na layuning labanan ang anumang paghahasik ng terorismo sa bansa.

Maliban pa sa gaganaping war exercises, ang tropa ng britanya ay nakatakda ring magsagawa ng ilang charity mission sa Olongapo City gaya ng pagpipintura sa buong gusali nang isang orphanage center at medical mission sa publiko.

Subalit napag-alaman na ang bansang UK ay nagdeklara ng "Security Alert Level 2" sa Pilipinas.

Ito ay matapos lumabas sa isang Memorandum Order na pinirmahan ni Undersecretary Cecilio R. Penilla nang Department of Transportation and Communication (DOTC) at kasalukuyang hepe ng DOTC office for Transportation Security. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments