2 pugante napatay

Camp Crame – Dalawang takas na bilanggo ang napaslang ng mga nagrespondeng elemento ng pulisya makaraang makipagbarilan ang mga ito sa mga awtoridad nang tumakas sa kanilang selda kamakalawa ng madaling araw sa Calatagan, Batangas.

Kinilala ang mga nasawi na sina Hermogenes Rafol alyas Junny/Bobby, 21- anyos at Jay Estoquia alyas Jay-ar, 31, kapwa tubong Moises Padilla, Negros Occidental, residente ng Brgy. Paloocan East, Batangas at pawang may kasong robbery with homicide sa Municipal Trial Court (MTC) ng Calatagan, Batangas.

Batay sa report, bandang alas-3:05 ng madaling-araw nang magsunog ng piraso ng papel at damit sa kanilang selda ang dalawang bilanggo na agad napansin ng duty jailguard na si PO1 Fernando Sanchez.

Nang buksan ni Sanchez ang padlock ay agad sinunggaban ng mga ito ang pulis, inagaw ang armas at saka ipinad-lock sa selda.

Agad naman itong hinabol ng mga pulis na nauwi sa palitan ng putok na naging dahilan ng kanilang kamatayan. Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang M16 rifle at isang 9mm pistol.

Dinala na sa punerarya ang bangkay ng mga ito. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments