1,548 piniratang VCDs kinumpiska

CAMP OLIVAS, Pampanga –Aabot sa 1,584 pirasong piniratang video compact disc (VCDs) at audio compact disc (ACDs) na naglalaman ng malalaswang panoorin ang kinumpiska ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Team at San Antonio police sa pamilihang bayan na sakop ng San Antonio, Zambales kahapon.

Ayon kay Supt. Paul Mascariñas, PNP-CIDG chief, ang nasabing pagsalakay na pinamumuan nina Senior Insp. Gregorio Lappay at Insp. Marcelo Visperas ay matapos na makatanggap ng impormasyon na talamak ang bentahan ng piniratang VCDs at DVDs sa mga stall ng nasabing palengke.

Noong nakalipas na linggo, sinalakay na ang naturang lugar at dinakip ang dalawang suspek na nagbebenta ng 975 pirasong piniratang DVDs at VCDs.

Ayon pa sa ulat, tatlo namang suspek ang dinakip ng pulisya at nakumpiska ang 500 pirasong piniratang VCDs at 12 malaswang DVDs matapos na salakayin ang mga tindahan sa Olongapo City. (Ulat ni Ric Sapnu)

Show comments