Ito ang kondisyong inilatag kahapon ni New Peoples Army (NPA) Spokesman Gregorio "Ka Roger" Rosal sa pamahalaan bago umano nila pakawalan ang mga Prisoners of War (POWs) na sina 1st Lt. Ronaldo Fidelino at Private 1st Class Ronel Nemeno.
Sina Fidelino at Nemeno, kapwa kasapi ng Armys 42nd Infantry Battalion (IB) ay binihag ng mga rebelde matapos tambangan ang tropa ng militar noong nakalipas na Marso 2 ng taong ito sa Tinambac, Camarines Sur.
Sa isang radio interview, sinabi ni Ka Roger na palalayain nila ang mga bihag kung sususpendihin ng AFP ang kanilang isinasagawang operasyon sa tatlong lalawigan ng Bicol Region na kinabibilangan ng Camarines Sur, Camarines Norte at Albay.
Ayon kay Ka Roger hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tumutugon ang pamahalaan sa kanilang kahilingan na ipatupad ang SOMO (Suspension of Military Operations) sa tatlong lalawigan ng Bicol.
Kaugnay nito, tiniyak ni Ka Roger na sa kasalukuyan ay ligtas ang nasabing mga bihag at pinangangalagaan ng kanilang kilusan ang karapatan ng mga ito bilang mga POWs. (Ulat ni Joy Cantos)