Trader nilikida ng 2 tauhan

CALATAGAN, Batangas – Animo’y kinatay na alagang hayop ang isang matandang negosyante ng sariling nitong dalawang tauhan sa loob ng farm house sa Barangay Paraiso ng bayang ito kamakalawa ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Julio Berberabe, tiyuhin ni Provincial Board Member Godofredo Berberabe Jr. ng 2nd District ng Batangas.

Kasalukuyan naman tinutugis ng pulisya ang mga suspek na sina: Hermogenes Estoquia, alyas Bobby at Jay Estoquia, alyas Junior na kapwa tubong bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental.

Nabatid sa pagsisiyasat ng pulisya, katatapos pa lamang na mag-inuman ng alak ang dalawang suspek nang pasukin nila ang kuwarto ng matanda bago paslangin.

Ang mga suspek na pinaniniwalaang lango pa sa alak nang isagawa ang krimen dakong alas-2 ng madaling-araw ay agad na tumakas, tinangay ang iba’t ibang uri ng mamahaling alahas, cassette radio na nagkakahalaga P.2 milyon at baril ng biktima.

Lumilitaw sa imbestigasyon, na nadiskubre lamang ang krimen dakong alas-8:30 ng umaga kahapon makaraang mag-iyakan ang mga alagang baboy ng biktima kaya inusisa ng mga kapitbahay ang kuwarto ng matanda.

Bumulaga sa paningin ng mga kapitbahay ang duguang katawan ng matanda na tadtad ng saksak sa katawan na parang kinatay na baboy.

Inakala ng mga suspek na may malaking halaga ang matanda kaya napagtripang todasin, ayon sa teorya ng pulisya. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments