Sa pahayag ni Superintendent Rodrigo De Gracia, police provincial director, ang mga kababaihang night club workers ay puwedeng maging epektibong tiktik ng pulisya para maresolba kaagad ang krimen at madakip ang mga kriminal na nagtatago sa batas.
Ayon kay De Gracia, ang nasabing bilang ng GROs ay sumailalim na sa pagsasanay kabilang na ang mga teknik para malaman na ang kanilang kliyente ay suspek sa krimen.
Ang ginawang seminar ay pangungunahan ng personnel ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at City Health Office.
"Na-realize ko na may malaki pala akong pananagutan sa aking sarili at sa ating lipunan kahit ganito lang ang aking trabaho," ani Cindy Roces, look-alike ng bold starlet na si Aubrey Miles.
Napag-alamang si De Gracia, na kilalang abogado na nagpasikat ng "Police Tipster Project" na nakaresolba ng mga krimeng kinasasangkutan ng mga sindikato sa naturang lalawigan.
Ang pinaka-latest na naresolba ni De Gracia ay ang pagkakadakip ng lider ng Ibus Gang, notoryus na grupo ng highway robbery na bumibiktima ng mga pasahero sa aircon bus na may rutang Aparri-Tuguegarao City.
Subalit nangamba naman ang mga may-ari ng mga night club na mababawasan ang kikitain sa kanilang negosyo kapag nagtuluy-tuloy ang balak ni De Gracia.
Sinusugan naman ni Chief Supt. Jefferson Soriano, Cagayan Valley police regional director ang proyekto ni De Gracia dahil sa malaki ang maitutulong ng mga kababaihang night workers laban sa kriminalidad. (Ulat ni Lito Salatan)