2 mayor,nagkasundong sabay manilbihan

SOLANO, Nueva Vizcaya – Tila mahirap paniwalaan, subalit hanggang sa kasalukuyan ay gulong-gulo pa rin ang mga residente rito matapos magkasundo ang dalawang alkalde na sa kasalukuyan ay sabay na naninilbihan bilang punong bayan.

Sina Mayor Santiago Dickson at Mayor Philip Dacayo, kapwa di kumandidato sa nasabing posisyon noong nakaraang eleksyon ay sabay na naglilingkod ngayon sa mga tao rito matapos silang manumpa bilang alkalde sa magkahiwalay na lugar noong June 30, 2004.

Dahil sa kapwa may mga hawak na katibayan ang dalawa na nagsasabing legal ang kanilang panunungkulan at walang may gusto sa kanila na bumaba sa puwesto ay nagkasundo na lang ang dalawa na sabay maglilingkod sa iisang opisina kung saan parehas ang kanilang mga responsibilidad, maging ang pagpirma sa mga dokumento at papeles ay dalawa rin silang magsasagawa.

Sina Dacayo at Dickson, kapwa nasa ilalim ng partido Lakas-Christian Muslim Democrats ay naluklok sa nasabing posisyon matapos sumakabilang buhay ang dating mayor na si Herlado Dacayo noong May 14, matapos ang kanyang proklamasyon sa kanyang ikalawa sanang termino bilang alkalde sa nasabing bayan.

Ang batang Dacayo, anak ng yumaong mayor ay pinanumpa sa tungkulin ni Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos sa Comelec Central Office, Manila noong June 30, habang si Dickson, nanalong bise-mayor sa bayang ito ay nanumpa rin sa harap naman ni Regional Trial Court Judge Jose Rosales bilang alkalde.

Nagbabala naman si Human Rights lawyer Ernesto Salunat na posibleng kasuhan ang dalawa ng illegal representation, usurpation of authority at iba pang uri ng kaso kung sakaling magpapalabas na ng desisyon ang korte kung sino talaga ang karapat-dapat na manungkulan bilang alkalde.

Iginiit pa ni Salunat na ang pagpirma ng dalawang mayor sa mga papeles at dokumento ay mahigpit na pinagbabawal ng Commission on Audit. (Ulat ni Victor P. Martin)

Show comments