Ang katawang pinagputol-putol ay nakilalang si Delfin Quibot ng Barangay Binanuahan na huling namataang buhay na nakikipag-inuman ng alak sa kanyang kaibigan.
Itinuturing namang suspek ang mag-amang sina: Antonio Bon Sr, 45, at Antonio Bon Jr., 23, na kapwa nakapiit ngayon sa himpilan ng pulisya sa Ligao City.
Sa imbestigasyon isinumite kay S/Supt. Guillermo Paguio, Albay police provincial director, ang pagkakadiskubre sa bangkay ay dahil sa reklamo ng asawa ng biktima na nawawala simula pa noong Hulyo 1, 2004.
Agad naman kumilos ang pinagsanib na puwersa ng PNP Albay at National Bureau of Investigation at nang makakuha ng search warrant na inisyu ni Judge Edwin Maalat ng Ligao Regional Trial Court Branch 14 ay hinalughog ang bahay ng mag-amang suspek.
Natagpuan ang chop-chop na katawan ng biktima na nakasilid pa sa sako at ipinoso-negro pa ng mag-amang suspek dakong alas-6 ng gabi.
Napag-alamang nakagalit ng biktima si Antonio Jr. at nagsumbong sa ama.
Ayon pa sa pulisya, naglalakad papauwi ang biktima nang harangin ng mag-ama at isinagawa ang krimen. (Ulat ni Ed Casulla)