Ang nasabing kautusan ay ginawa ni Padaca matapos lumabas ang mga balita na tumatanggap siya ng P2 milyon kada buwan mula sa payola ng mga jueteng operator kung kayat patuloy pa rin ang operasyon ng illegal na sugal sa buong lalawigan.
Dahil dito, agad niyang pinulong ang kapulisan na pinangungunahan ni P/S Supt. Napoleon Estilles, PNP provincial director ng Isabela at binigyan ng ultimatum na kailangang mapatigil ang jueteng hanggang kahapon (Miyerkules).
Malugod namang tinanggap ni Estilles ang nasabing direktiba ni Padaca, subalit hiniling nito na bigyan ang pulisya ng ilang araw na palugit upang planuhin at isakatuparan ang pagpuksa sa jueteng sa buong lalawigan.
Nagbabala naman si Padaca na sakaling walang mangyayari sa kanyang direktiba hanggang sa itinakdang araw ay titiyakin niyang may kalalagyan ang mga awtoridad na ayaw magpatupad ng kautusan.
Ayon naman sa ilang mga residente, mahihirapan ang pulisya na patigilin ang jueteng dahil naging bahagi na ito ng buhay ng mga residente rito na karamihan ay umaasa sa suwerte ng jueteng.
Iginiit din ng ilan na pabor sila sa programa ni Padaca, ngunit di sila sang-ayon sa pagpapatigil niya sa nasabing sugal. "Sa totoo lang ibinoto ko si Grace (Padaca), ngunit di ako sang-ayon na mawala ang jueteng dito sa amin, maraming mawawalan ng trabaho tulad ko," pahayag ng isang residente ng Cordon Isabela na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Bagamat may mga tutol sa pagpapatigil ng illegal na sugal ay karamihan din sa mga residente rito at ilang grupo maging ang sektor ng simbahang katoliko ay buo ang suporta kay Padaca laban sa jueteng. (Ulat ni Victor Martin)