Negosyante patay sa sagasa sa pagte-text

Camp Olivas, Pampanga – Naging mitsa ng kamatayan ng isang negosyante ang sobrang pagkahumaling nito sa pagti-text matapos na mabundol ng dalawang rumaragasang truck habang abala sa kanyang cellphone kamakalawa sa Brgy. Quebiawan, San Fernando, Pampanga.

Kinilala ang biktima na si Joel Catacutan, nasa hustong gulang at residente ng naturang lugar.

Ayon sa report ng pulisya, bandang alas-11 ng gabi nang maganap ang insidente habang ang biktima ay tumatawid nang masalpok ng isang canter closed van na may plakang PTV-976 na minamaneho ni Rommel Sicat ng Maharlika St. Sindalan ng San Fernando City.

Nang tumalsik ang biktima sa lakas ng pagkakabundol ay nahagip pa ito ng isa pang paparating na behikulo na isa namang Isuzu dump truck na minamaneho naman ni Henry Angeles ng Sto. Cristo, Tarlac City.

Patay agad ang biktima na nagkalasug-lasog ang katawan at dinala na sa pinakamalapit na punerarya para maisailalim sa awtopsiya. (Ulat ni Resty Salvador)

Show comments