Dayuhang exporter dadagsa sa Subic Bay Freeport

SUBIC BAY FREEPORT – Nagpahayag ng pasasalamat kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga dayuhan at lokal na mamumuhunan na nakabase dito makaraang ibilang ang Subic at Clark Economic Zone sa 10-point agenda nito.

Ito ang ipinahayag ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Felicito Payumo bilang reaksyon sa inaugural speech ng Pangulo na tumukoy sa Subic at Clark na pauunlarin bilang transshipment hub upang isulong ang kaunlaran ng bansa.

"Ang Pangulo ay suportado ng mamamayan sa Gitnang Luzon at ang Subic Freeport ay nanindigang manguna sa pagkamit ng tagumpay ng kanyang 10-point agenda. Ang mga kompanyang Taiwanese at Japanese ay nagagalak sa kaganapang ito," wika ni Payumo.

"Mula ng aprubahan ng Pangulo ang Subic Port Development at Subic-Clark-Tarlac tollway projects, mas maraming dayuhang mangangalakal ang nagbukas ng negosyo sa Subic, at maraming residente ang nabigyan ng trabaho," wika ni (Taiwanese) Subic Bay Development and Management Corp. (SBDMC) president Jeff Lin.

Ang pahayag ni Lin ay sinusugan din ni (Japanese) Subic Techno Park presidential Ichiro Tsuji sa pagsasabing "mas magiging magaang ang pagluluwas at pag-angkat ng mga produkto mula sa ibang bansa." (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments