Sa pahayag ni Dr. Gloria M. Andaya, Sto. Tomas municipal health officer, karamihan sa mga biktima ay nag-uwi ng mga natirang pansit palabok sa ginanap na party.
"Labimpitong bilao ng pansit palabok ang aming inihanda, subalit pito lamang ang naubos at ang natirang ibang bilao ng pansit ay hinati-hati at kanilang inuwi," dagdag pa ni Andaya.
Agad naman isinugod ang mga biktima sa Sto-Tomas General Hosptal, Cabrini Hospital, St. Vincent Hospital sa Sto. Tomas, CP Reyes Hospital at Mercado Hospital sa Tanauan City. Batangas.
Sinabi pa ni Andaya, 20 sa 359 na biktima ay nanatili na-admit sa ospital dahil sa matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae.
Napag-alaman pa sa ulat, na ang pansit palabok ay niluto ng mister ng isa sa municipal employee, subalit pinabulaanan namang kontaminado ang pagkain.
"Akala nga namin may red tide yung nakain naming sahog na tahong sa palabok,"ani ng isa sa biktima.
Pero ang sabi naman ng nagluto ay "nag-ulam pa sila ng tahong pero di naman sumakit ang tiyan nila."
Maging ang asawa ni Batangas Governor Armand Sanchez na si Sto. Tomas Mayor Edna Sanchez ay naospital din dahil sa pananakit ng tiyan at pagtatae dahil sa kinaing pansit palabok.
Patuloy naman sinisiyasat ng mga opisyal ng municipal health ang sangkap ng pansit palabok na nakalason sa mga biktima.
Sinagot naman ni Governor Sanchez ang pagpapagamot ng mga naging biktima sa naturang okasyon. (Ulat ni Arnell Ozaeta)