Base sa ulat na isinumite ni Dr. Alfredo Sy, officer-in-charge provincial health officer, simula noong Mayo 1 hanggang Hunyo 23, naitala na 336 kaso ng naturang sakit na nagresulta sa pagkasawi ng isa sa bayan ng Malasiqui, 315 naman sa bayan ng San Carlos City, 88 sa Calasiao, 46 sa Basista, 13 sa bayan ng Mangaldan na may tatlo ang namatay.
Sa bayan ng Bayambang ay naitala naman ang 36 kaso, 19 naman sa Urbiztondo, isa sa bayan ng San Fabian at limang sibilyan sa Lingayen.
Kabilang sa mga biktimang binawian ng buhay ay nakilalang sina: Christopher Jimenez, 25, ng Poblacion, Malasiqui; Genaro Velasquez, 25, ng Barangay Amansabina, Mangaldan; Erwin Urbano, 5, ng Anolid, Mangaldan; John Francis Quinto, 4, ng Palua, Mangaldan at Mia Ynez, 4, ng San Gabriel, Bayambang.
Sinabi ni Sy, na nagpakalat na siya ng mga pakete ng Oresol, botelya ng dextrose, kilos ng chlorine, Aquatabs tablets at patuloy na pagbibigay ng impormasyon sa mga residente para mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.
Ayon pa sa ulat, patuloy na dumagsa ang mga taong may sakit na gastro enteritis sa Pangasinan Provincial Hospital sa San Carlos City.
Kabilang sa mga barangay na maraming naapektuhan ng sakit ay ang Palospos, Quezon Blvd. Bugawan, Isla, Coliling at Baldog.
Base sa ulat, sa anim na 21 water samples na sinuri, lumalabas na positibo sa E. coli kaya ibig sabihin na ang inuming tubig sa mga nabanggit na bayan ay kontaminado ng dumi ng tao. (Ulat ni EV)