Ang ulat ay kinumpirma naman ng mga opisyal ng kolehiyo sa nabanggit na isla, subalit ikinokonsiderang hindi na bago ang banta laban sa mga guro at estudyante.
Sa radyo RGMA noong Huwebes, sinabi ni Luningning Misuares, presidente ng Basilan State College, na ang pagbabanta ng mga bandido laban sa mga guro ay hindi na bago sa kanilang pandinig. "It just come and go," dagdag pa ni Misuares.
Ayon kay Supt. Bensali Jabarani, Basilan police director, ang banta ng mga bandido ay naharang ng mga residente at lihim na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Base sa nakalap na intelligence report, pangungunahan ang pagdukot sa mga guro ng isang Abu Black at anim na kasamahang bandido na pinaniniwalaang kabilang sa 53 pugante mula sa Basilan provincial jail noong Abril 10, 2004.
Sinabi pa ni Jabarani, lahat ng guro na nakatalaga sa liblib na bahagi ng Basilan ay guwardiyado ng mga kagawad ng pulisya, samantalang ang tropa ng militar naman ay patuloy na sinusuyod ang mga lugar na may banta ng karahasan.
Noong Marso 2000 ay dinukot ng mga bandidong Abu Sayyaf ang anim na guro kabilang na ang isang pari mula sa bayan ng Tumahubong, Sumisip saka pinaslang. (Ulat ni RDP)