Killer ng pari nasakote

DINALUPIHAN, Bataan – Nasakote ng mga alertong kagawad ng pulisya ang isa sa pumatay sa pari ng Navotas matapos na salakayin ang pinagkukutaan nito sa Barangay Sto. Niño, Dinalupihan, Bataan kamakalawa ng gabi. Ang suspek na responsable sa pagpatay kay Parish Priest Romy Susano noong June 12 ay kinilala ni Supt. Bonifacio Cacho, Bataan provincial intelligence chief, na si Ronaldo Francisco, alyas Onald, 20, kasapi ng Sputnik Gang at residente ng Blk 46 Lot 11 Phase 1-C Dagat-Dagatan Navotas, Metro Manila. Base sa ulat ng pulisya, hindi kakilala sa nabanggit na barangay ang suspek kaya agad na ipinagbigay-alam ni Barangay Renante Lopez ang presensya nito. Lumilitaw sa beripikasyon ng pulisya sa Camp Crame, si Ronaldo ay suspek sa pagpatay sa nasabing pari. (Ulat ni Jonie Capalaran)

Show comments