Sa report ng Cordillera Regional Police Office, pinakahuling naging biktima ng mga suspek ay si PMA spokesman Major Edgar Arevalo na nakunan ng kanyang Colt caliber .45 pistol.
Kabilang pa sa mga nanakawan ay isang Colonel at isang kapitan. Pinaniniwalaan namang ang insidente ay sadyang itinago dahilan sa malaking kahihiyang idudulot nito sa pangunahing institusyon ng militar ng bansa kayat maging ang Baguio City Police ay tumanggi ng magbigay pa ng karagdagang detalye sa kaso.
Nabatid pa na nabisto lamang ang nakawan ng armas sa PMA matapos na madakip ng Cordillera Police ang dalawang suspek na hinihinalang mga miyembro ng Akyat Bahay na kapwa residente ng Scholastica Village , Baguio City sa isang checkpoint sa Brgy. Suyok, Bangkal, Benguet. Nang siyasatin ay inamin ng dalawa na ninakaw lamang nila ang armas sa quarter ni Arevalo.
Bunga ng insidente ay ipinag-utos na ni PMA Supt. Major Gen. Edilberto Adan ang paghihigpit ng seguridad sa loob ng PMA. (Ulat ni Joy Cantos)