Ang suspek na dinala sa NBI office para isailalim sa flourescent powder examination ay nakilalang si Judge Conrado Alinea ng Iba Municipal Trial Court.
Sinabi ni Atty. Eduard Villarta, NBI regional director, si Judge Alinea ay dinakip nina June Pena at Danilo Laluces sa loob ng Bons Restaurant sa harap ng Iba Municipal Hall base sa reklamo ng mga biktimang sina: Jose Abadam, Cesar Abadam at Raul Neria na pawang residente ng Barangay San Agustin, Iba, Zambales.
Ayon sa ulat, si Judge Alinea ay naaktuhang tinatanggap ang bride money na P15,000 mula sa isang biktima na nagreklamo.
Lumilitaw na ang entrapment operation ay isinagawa base sa reklamo ng pamilya Abadam at Neria tungkol sa pinag-aawayan lupain na hinawakan ng suspek.
Lumilitaw pa sa ulat, na nagpalabas ang Regional Trial Court at MTC sa Iba ng Writ of Demolition laban sa illegal occupants sa naturang lupain, subalit ni-recall at isinaisantabi ng suspek sa hindi nabatid na dahilan.
Sa pahayag ng mga biktima, hinihingan sila ng suspek ng P15,000 para maisarado na ang kanilang kaso kaya humingi naman sila ng tulong sa kanilang abogado na nag-suggest ng entrapment.
Base sa imbestigasyon, ang naturang kaso ay isinumite ng mga biktima sa Supreme Court Administrator.
Ipinag-utos naman ng SC sa NBI para magsagawa ng entrapment hanggang sa masakote ang suspek. (Ulat ni Ric Sapnu)