Sa ginanap na press briefing sa Camp Aguinaldo, kinilala ni NAKTAF Chief Angelo Reyes, ang mga nasagip na biktimang sina Josephine Chua, 43, utol ng may-ari ng steel company sa Las Piñas City at Ivy Balibag, 30, empleyada ng nasabing kompanya.
Kasalukuyan namang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina: Renato Batis, 22, ng Bulabi St., Pasig City; Renato Igloria, Maximo Alticen, alyas Timong; Sandy Germinal, drayber ng van na si Reynaldo Badilla, 33, ng #398 Gumamela St., Batasan Hills, Quezon City; Rudy Catangcatang.
Samantalang sina: Jason Garcia, Joel Hondrape, 19; Christopher dela Peña, 29; Jimmy Lozada, at JV Garcia na pawang nasakote sa isinagawang follow-up operations.
Ayon pa kay Reyes, ang mga biktima ay nailigtas matapos na matunton ng mga awtoridad ang pinagkukutaan ng mga kidnaper sa Burgos St., Purok Singko, ng nabanggit na barangay bandang alas-3:30 ng madaling-araw kahapon.
Lumilitaw sa ulat, ang dalawang biktima ay patungo sa bodega ng nasabing kompanya nitong Lunes ng gabi sa Pamplona, Las Piñas City nang harangin at dukutin ng mga armadong kalalakihang lulan ng kulay puting Mitsubishi L300 van na may plakang CML-245.
Ilang oras matapos na dukutin ang mga biktima ay nakatanggap nang tawag sa telepono ang pamilya ni Chua mula sa mga kidnaper na humihingi ng P3-milyong ransom
Lingid naman sa kaalaman ng mga kidnaper ay nakita ng hindi kilalang metro aide ang naganap na pagdukot sa mga biktima kaya agad na naipagbigay-alam sa himpilan ng pulisya ng Las Piñas City.
Agad naman natukoy ng mga awtoridad ang may-ari ng L300 van hanggang sa matukoy ang pinagkukutaan ng mga suspek. (Ulat nina Joy Cantos at Ed Amoroso)