18-M puslit na asukal nasabat

CAMP AGUINALDO – Nasabat ng mga awtoridad ang bultu-bultong puslit na asukal na nagkakahalaga ng P18-milyon sa isinagawang operasyon sa Southeast ng Pedrino Point, Batangas, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat, dakong alas-11:55 ng gabi nang maharang ng pinagsanib na elemento ng Naval Intelligence at Security Unit ng Batangas Navy Special Warfare Unit (NSWU) 3 at Batangas Provincial Police Office ang barkong M/V Elisa, Barge Victoria at M/V Caludio habang nagbabagsak ng mga smuggled na refined na asukal sa nasabing lugar.

Ang mga smuggled na asukal ay mula sa Thailand at illegal na ipinupuslit sa bansa ng sindikatong nasa likod nito.

Nabatid na umaabot sa 18,000 sako ng asukal ang natagpuang karga ng M/V Elisa, 7,000 sako ng asukal naman sa Barge Victoria.

Lumilitaw rin na walang kaukulang dokumento ang nasabing mga smuggled na produkto.

Kasalukuyan namang sumasailalim sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang mga tripulante ng nasabing mga barko. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments