Pitong bala ng baril ang tumama sa katawan ng mga biktimang sina: Luzviminda Igualdo, 39, ng Central Buguias, Benguet at Alice Alwas, 37, ng New Lucban, Baguio City.
Napag-alaman sa ulat na isinumite kay P/Supt. Gideon Todiano, police chief ng La Trinidad, na si Igualdo ay kapatid ni Insp. Marlo Igualdo na nakatalaga sa La Trinidad police station bago nailipat sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon sa ulat, si Alwas ay bumisita sa tinitirhang apartment ni Igualdo at hindi inakalang huling sasalubungin na niya si Kamatayan.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya, winasak ang likurang pintuan ng apartment saka pinasok ng hindi kilalang lalaki na armado ng kalibre. 45 baril.
Nang makita ang dalawang biktima na masayang nanonood ng telebisyon ay walang-awang pinaputukan ng sunud-sunod hanggang sa mapaslang.
Makikilala naman ang killer kapag muling makita ng nag-iisang saksi sa insidente habang isinasaisantabi ang anggulong robbery dahil walang anumang gamit ng mga biktima ang ginalaw ng salarin. (Ulat ni Artemio A. Dumlao)