PNB manager,misis sugatan sa pananambang

ZAMBOANGA CITY – Himalang nakaligtas at nasugatan lamang ang branch manager ng Philippine National Bank (PNB) at misis nito makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki sa Barangay Tulay, Jolo, Sulu kahapon ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang mag-asawang Jioksin Dammang, branch manager ng PNB sa Jolo at Saudah ay tinambangan dakong alas-8 ng umaga habang sakay ng kulay gray na Tamaraw service vehicle.

Si Jioksin ay tinamaan ng bala sa panga, kaliwang braso at baywang, habang ang asawang si Saudah ay napuruhan sa kaliwang braso.

Agad na tumakas ang nag-iisang killer na naka-baseball cap at shade sa hindi nabatid na direksyon matapos na isagawa ang pananambang.

Ayon sa mag-asawang biktima, wala naman silang natatanggap na pagbabanta sa buhay, kaya walang dahilan para kumuha ng security escorts.

Subalit, naniniwala naman ang mga awtoridad na posibleng may kaugnayan sa pananalapi ang naganap na insidente kaya ito ang sinisilip na motibo. (Ulat ni Roel D. Pareño)

Show comments