CAMARINES NORTE Isang 65-anyos na district supervisor ng Department of Education (DepEd) ang dinakip ng mga tauhan ng 501st Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang entrapment operations sa loob ng Golden Palace Restaurant sa Zabala Street, Daet kamakalawa ng tanghali. Kinilala ni P/Chief Insp. Nilo Berdin, CIDG provincial officer ang suspek na si Leonardo Soriano ng Barangay 2, Pasig-Daet at district supervisor sa elementary school ng bayan ng San Lorenzo Ruiz at San Vicente, Camarines Norte. Ayon sa ulat, si Soriano na magreretiro na sa serbisyo ay naaktuhang tinatanggap ang P1,000 bilang kotong kay Rita Decena-Quierra kapalit para maging regular teacher.
Base sa salaysay ni Quierra, humihingi ang suspek ng P40,000 upang mapadali ang proseso sa pagiging regular teacher hanggang sa magkasundo muna na magbigay ng P1,000 bilang paunang bayad.
Lingid sa suspek ay nakipag-ugnayan na si Quierra sa mga tauhan ng CIDG para magsagawa ng entrapment operations.
Nabatid sa ulat ng CIDG, na lumutang na rin ang dalawa pang biktima ni Soriano upang ireklamo ang naging karanasan nila para maging regular teacher.
Kasabay nito, nagkaroon na rin ng lakas ng loob ang iba pang mga biktima na magsumbong sa mga lokal na mamamahayag dahil hindi lamang si Soriano ang gumagawa nito.
(Ulat ni Francis Elevado)