Kidnaper na Sayyaf nalambat sa Zambo

CAMP AGUINALDO – Bumagsak sa batas ang notoryus na miyembro ng grupong bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa serye ng kidnap-for-ransom matapos itong masukol sa Zamboanga City, ayon sa ulat kahapon.

Ang nasakoteng bandido ay nakilalang si Al-Hassin Ahmad Akmad, alyas Abu Katala, 20.

Batay sa ulat na tinanggap kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya, bandang alas-6:15 ng gabi nang masakote ng pinagsanib na elemento ng Intelligence Security Unit (ISU) ng Phil. Army at Special Operations Group (SOG) ng Zamboanga City Police, ang suspek sa pinagtataguan nito sa Maestra Vicenta, Brgy. Sta. Maria ng nasabing lungsod.

Ang suspek ay dinakip sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Provincial Prosecutors III Domingo Kinzao ng 9th Judicial Region, Branch 2 ng Isabela, Basilan kaugnay ng pagkakasangkot nito sa kaso ng kidnapping with serious illegal detention.

Ang suspek ay positibong kinilala ng isa sa mga naging biktima ng kanilang grupo na si Romeo Galvez.

Patuloy na sumasailalim sa masusing tactical interrogation ng mga awtoridad ang nasakoteng Sayyaf kidnaper. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments