Mister tinodas dahil sa cellphone
May 31, 2004 | 12:00am
NUEVA ECIJA Isang 48-anyos na mister ang iniulat na pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kanyang kapitbahay makaraang manlaban ang biktima dahil sa inagaw na cellpone sa Barangay Cavite, Guimba, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi. Idineklarang patay sa ospital ang biktimang si Dante Costales, habang ang suspek na si Sherwin Dela Cruz, 19, binata, ay agad na tumakas matapos sikwatin at mapatay ang biktima. Sa pagsisiyasat ng pulisya, nagkunwaring makikiinom ang suspek sa bahay ng biktima, subalit ang pakay ay sikwatin ang nakalapag na cellphone. Namataan naman ng biktima na dinampot ng suspek ang cellphone kaya sinita nito at nakipambuno hanggang sa maganap ang krimen. (Ulat ni Christian Ryan Sta, Ana)
CAVITE Pinaniniwalaang masamang biro ang naging ugat kaya sinaksak hanggang sa mapatay ang isang guwardiya ng kanyang kasamahang sekyu habang nag-iinuman ng alak sa Barangay Queensrow, Bacoor, Cavite kamakalawa. Napuruhan ang biktimang si Rommel Peña, samantalang nadakip naman ang suspek na si Antonio Jerusalem Punsay, 28, at kapwa residente ng nabanggit na barangay. Base sa imbestigasyon ng pulisya, naitala ang krimen dakong alas-3 ng hapon makaraang magalit ang senglot na suspek sa masamang biro ng biktima kaya napatay nito ang kasamahan. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
NUEVA ECIJA Limang sibilyan ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang mabundol ng dump truck ang sinasakyang handtractor na may trailer ng mga biktima sa kahabaan ng Guimba-Cuyapo Road na sakop ng Barangay Pacac, Guimba, Nueva Ecija kamakalawa ng umaga. Kasalukuyan naman ginagamot sa Dr. Paulino J. Garcia Hospital ang mga biktimang sina: Mark Anthony Rovera, 17; Christian Villanueva, 11; mag-asawang Isidro at Lolita Simbulan; at ang drayber-operator na si Erwin Simbulan na pawang residente ng Barangay Sta. Cruz, Cuyapo, Nueva Ecija. Sumuko naman ang drayber ng dump truck (TDT-760) na si Florante Bucsit ng Barangay Balogo, Pacnutan, La Union. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)
CAMP CRAME Napatay ang isang barangay kagawad ng anim na magnanakaw makaraang rumesponde ang biktima sa naganap na nakawan sa bodega ng kooperatiba sa Barangay Puyas, Cabatuan, Iloilo City, ayon sa ulat kahapon. Binawian ng buhay habang ginagamot sa Ramon Tabiana Memorial District Hospital ang biktimang si Severino Maquiling, 42, habang kritikal naman ang kalagayan ng barangay tanod na si Eliseo Siosana, 38, na kapwa residente ng nabanggit na barangay. Ayon sa ulat, bandang alas-3 ng madaling-araw nang rumesponde ang mga biktima sa nagaganap na nakawan sa kooperatiba ng barangay. Hindi pa nakalalapit ang mga biktima kasama ang ilang barangay tanod nang salubungin sila ng sunud-sunod na putok ng mga magnanakaw. Gumanti ng putok ang mga biktima hanggang sa mapuruhan si Maquiling habang sugatan naman si Siosana. (Ulat ni Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended