CAMP AGUINALDO Tinatayang aabot sa P1-milyong ari-arian ang tinupok ng apoy makaraang sunugin ng mga rebeldeng Muslim ang eskuwelahan sa Barangay Batangan, Saguiran, Lanao del Sur kamakalawa, ayon sa ulat kahapon. Sa ulat na tinanggap kahapon ni AFP Chief of Staff General Narciso Abaya, naitala ang karahasan dakong alas-2:30 ng hapon nang salakayin ng mga rebelde ang Saguiran Elementary School. Agad na tinungo ng mga armadong rebelde ang ilang silid-aralan saka binuhusan ng gasolina at tuluyang sinilaban. Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa inihasik na karahasan ng mga rebelde sa naturang barangay bago nagsitakas sa hindi nabatid na direksyon.
(Joy Cantos) ZAMBOANGA CITY Matalim na kidlat ang pumutol sa buhay ng isang 32-anyos na magsasaka habang nagpapalipas ng malakas na ulan sa sinasakang bukirin sa Sitio Preza, Curuan district, Zamboanga City, ayon sa ulat ng mga opisyal ng barangay. Idineklarang patay sa ospital ang biktimang si Purisimo Atilano ng nabanggit na barangay. Base sa imbestigasyon ng pulisya, kasalukuyang nag-aaro ang biktima nang biglang lumakas ang ulan kaya naman pansamantalang sumukob sa bakanteng bahay-kubo. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang kumulog at kasabay nito ay gumuhit ang matalim na kidlat at tumama sa kinaroroonan ng biktima na ikinasawi ng magbubukid.
(Roel D. Pareño) 4 Niratrat Habang Namimingwit |
CAMP AGUINALDO Apat na sibilyan ang malubhang nasugatan makaraang ratratin ng mga rebeldeng Muslim habang ang mga biktima ay namimingwit sa liblib na ilog ng Rio Grande na sakop ng Barangay Inug-og, Pikit, Cotabato kamakalawa. Kasalukuyang nakaratay sa ospital ang mga biktimang sina: Tata Gumapac, Diotracia Dugaduga, Ravilon Obiterio at Edwin Bitoon. Naitala ng pulisya ang insidente dakong alas-6 ng umaga habang ang mg biktima ay namimingwit ng isda sa nabanggit na ilog. May teorya ang pulisya na ikinagalit ng mga rebelde ang pagkakagawi ng mga biktima sa naturang lugar kaya inupakan.
(Joy Cantos) 2 Todas Sa Kagat Ng Asot Pusa |
CAMARINES NORTE Pinaniniwalaang kapabayaan sa kalusugan ang isa sa naging dahilan kaya binawian ng buhay ang dalawang sibilyan makaraang makagat ng asot pusa sa magkahiwalay na barangay sa Camarines Norte kamakalawa. Kinilala ni Dr. Edgardo Gonzales, provincial veterinarian, ang mga biktimang sina: Elvira Valenzuela, 48, ng Barangay Munting Buhangin, Paracale, Camarines Norte at Roberto Lara, 32, ng Barangay 7, Mercedes. Base sa ulat si Valenzuela ay nakagat ng pusa, samantalang si Lara naman ay sinakmal ng aso noong Abril 2004. Dahil sa binalewala ng dalawa ang lihim na kamandag ng mga alagang hayop ay hindi na nalunasan ang pagkalat ng rabies na naging ugat para humarap sila kay Kamatayan.
(Francis Elevado)