2 karnaper tiklo sa checkpoint

CAMP AGUINALDO – Dalawang notoryus na karnaper na kumikilos sa Gitnang Luzon at Kalakhang Maynila ang nalambat ng pulisya habang lulan ng karnap na kotse sa checkpoint na sakop ng Barangay Tarcan, Baliuag, Bulacan kamakalawa ng madaling-araw. Ang mga suspek na nakumpiskahan ng dalawang baril ay nakilalang sina: Dario Olit, 39, mekaniko; at Vicente Pagsilungan, 29, ng Barangay Gatbuca, Calumpit, Bulacan. Base sa ulat na isinumite ni P/Sr. Supt. Felizardo Serafio Jr., Bulacan provincial director kay Chief Supt. Vidal Querol, PNP regional director, nasabat ang dalawa dakong alas-2:45 ng madaling-araw habang lulan ng Mitsubishi Lancer na may plakang ADX-266. Narekober din ang karnap na Mitsubishi Lancer na may plakang PLS-317 sa isinagawang follow-up operation. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments