Barangay chairman itinumba
May 17, 2004 | 12:00am
SARIAYA,Quezon Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang barangay chairman ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) habang ang biktima ay naglalakad patungo sa kapilya kamakalawa ng umaga. Limang tama ng baril ang tumapos sa buhay ni Roberto Luna ng Barangay Limbo. Tumakas naman ang mga rebelde patungo sa kabundukan ng nabanggit na barangay. Naitala ng pulisya ang insidente dakong alas-5:45 ng umaga nang banatan ng mga rebelde habang ang biktima ay patungo sa kapilya ng barangay. Pinaniniwalaan naman test mission ang isinagawang pakay ng mga bagong recruit na rebelde. (Ulat ni Tony Sandoval)
IMUS, CAVITE Dalawang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang nagkasabay na pinaslang ang nadiskubre sa liblib na bahagi ng Sitio Malipay, Barangay Maguyam, Silang, Cavite kahapon ng umaga. Hindi naman agad nakilala ang dalawa na may tattoo sa kanang balikat na "Ikoy", may taas na 53, samantalang ang isa naman ay may tattoo sa kaliwang balikat na Joey De Guzman. May taas na 56 ang ikalawang biktima. Napag-alaman sa ulat, naitala ang pagkakadiskubre sa mga bangkay na nakatali pa ang mga kamay at may palatandaang pinahirapan at tadtad ng tama ng bala ng baril sa katawan. May posibilidad na pinatay ang dalawa sa ibang bayan bago itinapon lamang sa nasabing barangay. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
ANTIPOLO CITY, Rizal Patay ang isang 26-anyos na lalaki habang dalawa naman ang malubhang nasugatan makaraang sumalpok ang motorsiklo sa van sa kahabaan ng Sumulong Highway ng nabanggit na bayan. Duguang tumilapon ang biktimang nasawi na si Francisco Lobres, samantalang nakikipagbuno kay kamatayan sina: Shella Mae Sabugaa at Dick Villamor at ginagamot sa ospital. Sumuko naman sa pulisya ang drayber ng Mitsubishi L300 van (XHD-135) na si Noli Torres ng Sampaguita Village, Barangay Malanday, Marikina City. Ayon sa pulisya, umobertake pakaliwa ang motorsiklo ng mga biktima sa unahang sasakyan hanggang sa lumipat ng kabilang linya ng kalsada kaya nakasalubong ang van. (Ulat ni Edwin Balasa)
Isang 31-anyos na lalaki na pinaniniwalaang nakaloko ng 40-katao ang nalambat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment sa Baguio City kamakalawa ng hapon. Naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si Restituto Sagun Dar Jr. ng Magallanes Village, Makati City at may mga alyas na Resty, Rusty at Mark. Ayon sa ulat, ang suspek ay nangongolekta ng P45,000 kada biktima kapalit ng trabaho sa Australia. Agad naman naglatag ng bitag ang NBI at nadakip naman ang suspek dakong alas-2:30 ng hapon. Nakumpiska sa suspek ang apat na pasaporte na pag-aari ng US at limang Philippine passport. (Ulat ni Danilo Garcia)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended