Nakuha ni incumbent Governor Tomas N. Joson III ang ikatlong termino bilang ama ng lalawigan habang ang nakakabatang kapatid na si Mariano Cristino "Boyet" Joson ay nanalo bilang bise gobernador.
Tatlo sa apat na incumbent congressman ang nanatili sa puwesto sa pangunguna ni Josie Joson, asawa ni Boyet, ng 1st district si Eleuterio Violago ng 2nd district; at si Atty. Aurelio Matias Umali ng third district.
Nabigong makuha ni Raoul Villareal ng fourth district ang kanyang ika-2 term nang surpresahin ito ni Rodolfo "Rody" Antonino, anak ng mag-asawang Gaudencio at Magnolia Antonino, na kapwa naging senador ng bansa.
Nakuha din ni Julius Cesar Vergara ang ika-3 term bilang alkalde ng Cabanatuan City; si Alex Belena ay nahalal sa pang-2 pagkakataon bilang alkalde ng San Jose City; nanatili sa pagiging ama ng lungsod ng Gapan si Mayor Ernesto Natividad; nanalong mayor naman sa Science City of Muñoz ay si Nestor Alvarez at si Romeo Capinpin naman ang nahalal sa lungsod ng Palayan, kapalit ni Relly Fajardo.
Ilan din sa mga naiproklamang mayor ay sina: Tony Faquivel ng Jaen na pinalitan naman si Cesar Eduardo; Engr. Neri Santos sa Talavera habang si Barbara Milano, konsehal; Marcial Vargas sa Aliaga, habang ang kabiyak naman niyang si Beth Vargas ay vice mayor at si Marlon Marcelo sa bayan ng Sta. Rosa. (Ulat ni Christian Rya Sta. Ana)