Kabilang sa mga biktima ay kinilala ni Police Senior Supt. Sahiron Dula Salim, Bataan police provincial director, na sina: Ireneo Macayugay, alyas "Alakdan", 50, trader, may-asawa, tubong Nueva Ecija at nakatira sa Barangay Ipag; Alex Guavez, ambulance driver ng Barangay Camaya at Jimmy Roy, meat trader ng Lakandula St., Poblacion, Mariveles.
Kinilala naman ang malubhang nasugatang si Francisco Villaluz na ngayon ay ginagamot sa Bataan General Hospital.
Sa inisyal na imbestigasyon, si Macayugay ay lider ni re-electionist Mariveles Mayor Angel Peliglorio ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) habang si Roy naman ay lider ni Vice Mayor Victoriano Isip na kumandidatong alkalde ng Mariveles sa ilalim ng Lakas-CMD.
Nag-ugat ang shootout noong Lunes ng gabi matapos na magbatuhan ng maaanghang na salita ang magkalabang partido noong campaign rally.
Bandang alas-2 ng hapon nang magkita nga sa sabungan ang grupo ni Roy at Macayugay hanggang sa magbanatan.
Kapwa nakahandusay ang tatlo nang datnan ng mga awtoridad habang pinaghahanap naman ang sasakyan (WGE-705) ng grupo ni Roy pinaniniwalaang pag-aari ni Mayor Albert Garcia, congressional bet sa ikalawang distrito na pinagtaguan ng mga baril na ginamit sa shootout. (Ulat ni Jonie Capalaran)