Tulak itinumba ng NPAs

TIAONG, Quezon – Pinatawan ng kamatayan ang isang 36-anyos na lalaking pinaniniwalaang tulak ng droga makaraang pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang ang biktima ay papasakay ng motorsiklo sa Barangay Paisa sa bayang ito kamakalawa ng gabi. Sabog ang bao ng ulo at nagkabutas-butas ang katawan ni Ricardo "Ding" Ilao matapos na upakan ng mga rebelde. Ayon sa ulat, ang biktima ay galing sa liga ng basketball at papasakay na sana sa motorsiklo nang lapitan ni Kamatayan. Nagkagulo ang mga naglalaro at nanonood ng basketball, subalit pinayapa sila ng mga armadong kalalakihan at nagsabing: "mga NPA kami, huwag kayong mag-alala, hinatulan lamang namin ang biktima dahil tulak siya." (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments