2 patay sa sagupaan ng mga supporter ng magkalabang kandidato

CAMP CRAME – Dalawang masugid na supporters ng isang mayoral bet ang nasawi habang dalawa naman ang malubhang nasugatan makaraang magsagupa ang mga supporters ng dalawang magkalabang partido-pulitikal nang magkapikunan sa pangangampanya sa bayan ng Lagangilang, Abra kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na sina: Raynfer Flores, alyas Randy/Pangig, at isang di pa nakilalang supporter ni Lagangilang mayoral bet Lizardo Sinogo Jr. Ang dalawang napatay sa insidente ay binistay ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang mga nasugatan na kasalukuyan pang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ay nakilala namang sina Tirso Agdaquit at Pili Barles na kapwa mga supporters naman ni Jhon Soliva na mahigpit na katunggali sa posisyon ni Sinogo.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-10:15 ng gabi sa kahabaan ng Provincial Road ng Brgy. Pawa, Lagangilang ng nasabing lalawigan.

Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng house-to-house campaign sa nasabing lugar ang mga supporter ni Soliva nang mapadaan naman ang dump truck na kinalululanan ng mga supporter ni Sinogo na ginabi na rin sa pangangampanya sa nasabing lugar.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng magkabilang panig na nauwi sa shootout.

Kaugnay nito, naghigpit ng seguridad ang pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa lugar upang maiwasang maulit muli ang madugong pagsasagupa ng mga supporter ng dalawang nabanggit na partido pulitikal. Isinasailalim pa sa masusing pagsisiyasat ang kaso. (Ulat nina Joy Cantos at Myds Supnad)

Show comments