Ambush: Kandidatong konsehal patay sa ambush

CAMP AGUINALDO – Nakaligtas sa pananambang si Masbate Congressman Fausto ‘Fortus’ Seachon Jr., subali’t minalas na mapatay ang isa nitong kandidatong konsehal habang tatlo pa ang nasugatan kabilang ang isang mayoral bet sa naganap na madugong insidente sa munisipalidad ng Cawayan, Masbate kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat ni AFP-Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Alfonso Dagudag, kinilala ang nasawi na si Brgy. Kagawad Rene Dao, kandidatong konsehal sa bayan ng Uson at ka-tiket ni Seachon.

Ang mga nasugatan ay nakilala namang sina: Julius Ballesteros, kandidatong konsehal, mayoral bet Lino Lim Jr. at ang nasa kritikal na kondisyong kapatid na si Antonio Lim.

Ayon kay Dagudag, kasalukuyang bumabagtas ang convoy nina Seachon, tumatakbo sa ikatlong Distrito ng Masbate sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sa Brgy. San Vicente sa pagitan ng hangganan ng bayan ng Uson at Cawayan nang tambangan ng mga armadong kalalakihan.

Tumagal ng ilang minuto ang pamamaril bago mabilis na nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Dalawang anggulo ang masusing sinisilip ng mga awtoridad sa kaso, una ay labanan sa pulitika ang motibo ng insidente at ikalawa ay posibleng kagagawan ng mga rebeldeng New People’s Army.

Magugunita na noong Abril 16, 2004 ay tinambangan din ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang convoy ng kapatid ni Fausto na si Rizalina Seachon na ikinasawi ng tatlong security escorts nito habang dalawa pa ang nasugatan sa Palanas, Masbate.

Naunang inirekomenda ni Chief Supt. Jaime Lasar, Bicol police director sa Comelec na isailalim na sa kontrol ang Masbate.(Ulat nina Joy Cantos at Ed Casulla)

Show comments