3 holdaper nasakote
May 3, 2004 | 12:00am
TANAUAN CITY, Batangas Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang kilabot na holdaper sa buong Batangas ang iniulat na nasakote ng pulisya makaraang makumpiskahan ng libong sim-cards ng cellphone, mga ladies bag, ibat ibang company ID sa isinagawang raid sa Barangay Sambat, Tanauan City, Batangas kahapon. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina Dennis Colegio, 27; Jerry Miranda, 29; at Antonio Marquesses. Ayon sa police report, ang tatlo ay dinakip sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Jamie Rafer ng Municipal Trial Court. (Ulat ni Arnell Ozaeta)
CAMP CRAME Masuwerteng nakaligtas sa kamatayan ang isang congressman makaraang tambangan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang sasakyan ng una sa kahabaan ng Barangay Nambaran, Tabuk, Kalinga, ayon sa ulat kahapon. Pinaniniwalaan naman may bahid politika ang naganap na pananambang laban kay Congressman Lawrence Wacnang. Ayon sa ulat, binabagtas ng sasakyan ni Wacnang ang kahabaan ng nabanggit na lugar kasama ang kanyang partido mula sa pagpupulong sa bayan ng Rizal nang ratratin dakong alas-9 ng umaga. Wala naman iniulat na nasugatan sa mga kasamahan ni Wacnang. (Ulat ni Joy Cantos)
CAMP NAKAR, Lucena City Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang kawal ng Philippine Army ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA), samantalang dalawa naman sibilyan ang nasugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala ng baril kamakalawa sa Barangay Bayanihan, San Narciso, Quezon. Pitong tama ng bala ang tumapos sa buhay ni S/Sgt. Rogelio Valdez ng 74th Infantry Battalion. Ginagamot naman ang dalawang sibilyang sina Rizalina Dimayacyac at Richelle Endrinal. Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Isagani de los Santos, naganap ang krimen bandang alas-4:30 ng hapon habang ang biktima ay naglalakad sa harap ng sabungan. Agad na tumakas ang mga rebelde sakay ng motorsiklo. (Ulat ni Tony Sandoval)
CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite Isang 16-anyos na waitress ang binaril at napatay ng hindi kilalang lalaking naging customer ng biktima bago itinapon sa palaisdaan sa Barangay San Rafael, Noveleta, Cavite kamakalawa. May palatandaang pinahirapan muna ang biktimang si Angeline Enot ng Barangay Caridad, Cavite City at naninilbihan sa Arlees videoke bar. Ayon sa pulisya, huling namataan buhay ang biktima na nakikipag-talo sa hindi kilalang customer hanggang sa matagpuang nakalutang sa naturang lugar. May teorya naman ang pulisya na tumangging sumama ang biktima kaya tinuluyang paslangin. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended