Sa panayam, sinabi ni Lt. Col. Felicisimo Budiongan, Spokesman ng Armys 4th Infantry Division (ID), ang insidente ay naganap bandang alas-3 ng madaling araw sa Brgy. Kinamayhay ng nasabing bayan.
Base sa report na natanggap ni Budiongan, kasalukuyan umanong nagsasanay sa demolition o pagtatanim ng bomba ang isang pulutong ng mga rebeldeng NPA bilang patibong laban sa tropa ng pamahalaan nang aksidente itong sumabog.
Sunud-sunod na malalakas na pagsabog ang narinig sa lugar na kumitil ng buhay ng sampung rebelde na karamihan ay nagkalurayluray ang katawan habang anim pa ang malubhang nasugatan.
Kabilang sa mga nasawing rebelde ay kinilala sa pangalang Alfredo Mapuno at Tito Abucayan habang inaalam pa ang mga pangalan ng iba pa.
Gayunman, ayon sa opisyal ay kasalukuyan pa nilang inaalam ang mga detalye sa naganap na pagsabog kung saan ay nagpadala na ng tropa ang Armys 4th ID sa nasabing lugar para hanapin sa mga pagamutan ang mga nasugatang rebelde.
Ang paggamit ng landmine ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng protocol ng Geneva International Humanitarian Law sa pagitan ng dalawang magkalabang puwersa.
Sinabi naman ni AFP-PIO Chief Lt. Col. Daniel Lucero na dahilan sa planong pantratraydor sa militar ay ang mga rebelde mismo ang minalas sa insidente. (Ulat nina Joy Cantos at Angie de la Cruz)