Nene sabog sa granada

KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City – Isang tatlong taong gulang na batang babae ang kumpirmadong nasawi samantalang malubhang nasugatan ang mag-ama makaraang sumabog ang napulot na granada sa Sitio Lubot-Lubotan, Barangay Albasan, Claveria, Masbate kahapon ang umaga.

Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Ivy Quezon. Ginagamot naman sa Claveria District Hospital ang mag-amang sina: Alejandro Quezon, 33 at anak na si Andy Quezon, 12 na pawang residente ng nabanggit na barangay.

Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya, na napulot ng matandang Quezon ang rifle grenade sa hindi nabatid na bahagi ng naturang lugar saka itinago sa loob ng kanilang bahay.

Gayunman, ay nadiskubre ng nasawing biktima ang itinagong pampasabog at sa pag-aakalang bolang bakal ang hawak na granada ay pinaglaruan sa bakuran ng kanilang bahay.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang nabitiwan ni Ivy ang hawak na granada kaya biglang sumambulat na ikinasawi ng bata.

Tinamaan ng shrapnel ang mag-ama na kasalukuyang nakatalikod sa batang nasawi. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments