3 katao minasaker

CAMP CRAME – Masaklap ang sinapit na kamatayan ng tatlong katao kabilang ang isang brgy. captain at asawa nito, samantalang dalawa pa ang grabeng nasugatan makaraang ratratin ng mga armadong kalalakihan ang kanilang farmhouse sa V-Sagun, Zamboanga del Sur, ayon sa ulat kahapon.

Kabilang sa mga nasawi ay sina: Brgy. Captain Emmanuel Mayad Sr.; asawa nitong si Pastora Coraje Mayad at ang katulong ng mag-asawa na si Elmer Ucano Pameron.

Ang mga nasa kritikal namang kondisyon ay nakilala namang sina: Willy Asdelito at Allan Calagahan. Ang mga ito ay pawang nilalapatan pa ng lunas sa Margosatubig Regional Hospital.

Batay sa ulat, bandang alas-12:00 ng hatinggabi nang paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan ang farmhouse sa bisinidad ng Purok Daisy, Brgy. Sogucan, V-Sagun ng nasabing lalawigan.

Sa kasalukuyan, dalawang anggulo ang masusing sinisilip ng mga awtoridad, una ay ang posibilidad na may kinalaman ito sa pulitika at ikalawa ay kagagawan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA). (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments